Features

Inspirational success stories from our partners and beneficiaries

Paano Nakamit ng mga Kababaihan ng Benguet ang Empowerment

Written by Raniel A. Aragon
Naghahanda ang Pugo Women’s Association para sa isang clean-up operation ng kanilang napiling community sub-project Naghahanda ang Pugo Women’s Association para sa isang clean-up operation ng kanilang napiling community sub-project Raniel A. Aragon

Buguias, Benguet - Karaniwan nating maririnig na ang mga kababaihan ay dapat nasa loob lamang ng tahanan. Kung ang babae ay isang nanay, inaasahan siyang maging tagapangalaga ng mga anak at asawa, manguna sa gawaing bahay, at maging source ng emotional support ng kaniyang mahal sa buhay. Ang mga ito ay tinatawag na unpaid care work at malimit itong hindi binibigyang halaga sa lipunan; palagiang idinadahilan ang gampaning ito upang patuloy na mapigilang magamit ng kababaihan ang kanilang karapatan para sa sariling pagpapasya at pagdedesisyon.

Napakaraming iniaasa sa mga kababaihan lalo na sa mga nanay. Sa katunayan, ayon sa 2021 National Household Care Survey, 13 oras ang ginugugol ng babae sa unpaid care work habang walong oras lamang ang sa lalaki. Mayroon tayong tinatawag na triple role of women - (1) reproductive o gawaing may kaugnayan sa pagdadalang-tao, (2) productive o ang katungkulang may kaugnayan sa mga gawaing may kinalaman o kapalit na kita, at (3) community management na siyang tumutukoy sa mga gawaing pampamayanan gaya ng pakikiisa sa mga pagsasanay at mga unpaid care work, at ang kababaihan ay pasan-pasan ito.


Nagpupulong ang Barangay Council kasama ang Pugo Women’s Association para sa pagsasaayos ng kanilang tariff collections system

Habang may mga nakakamit na tayong mga tagumpay, ika-1 sa Asia at ika-17 sa 156 na bansa sa pagtugon sa usapin ng gender gap upang marating ang pagkakapantay-pantay ng kalalakihan at kababaihan, may gawain at nakagawiang pag-iisip pa rin ang lipunan na patuloy itinutulak pabalik ang mga tagumpay na ito.

Kabilang sa mga bumabasag sa kaisipang ito ang Pugo Women’s Association (PWA) ng Sitio Pugo, Buguias, Benguet. Isang grupo ng mga kababaihang nanguna upang isulong ang karapatan ng mga kababaihan na magkaroon ng puwesto sa pamamalakad ng mga gawaing pampamayanan.

Agrikultura ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng Sitio Pugo. Dahil sa vegetable terraces, mayroon silang sapat na pantustos sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Kung minsan malakas ang kanilang kita dahil sa magandang ani ngunit may pagkakataong nalulugi sila dahil sa sama ng panahon. Bukod sa hamon na dala ng pabagu-bagong panahon, isang kapantay din na hamon ang hirap nila sa pag-transport ng kanilang inani.

Dahil sa lubak-lubak, matarik, at maputik na daraanan, karaniwang nabubulok at nasisira na ang kanilang mga produktong gulay. Ang hindi maayos na produkto ay karaniwang hindi na mapakikinabangang. Kung walang ani, walang kita. At kung walang kita, walang pantustos sa pangangailangan ng tahanan. At dumadagdag rin ito sa isipin at problema ng mga kababaihan.

Ngunit ang mga kababaihan ng PWA ay hindi pumayag na magpatalo sa hamong ito.

Nang maging parte ng KALAHI-CIDSS ang kanilang pamayanan, napili nilang gawing community sub-project ang Farm-to-Market road na nagsisilbing maayos na magtatawid sa mga iaangkat na produkto ng kanilang sitio. Pangunahing dahilan man nila ng pagpili ng community sub-project na ito, ngunit sa gitna nito ay ang pagsagot sa mas malalim na hamong kanilang kinakaharap.


Pugo Women’s Association kasama ang Barangay Council ng Barangay Baculongan Norte, Buguias, Benguet

Ang ating Programa ay may mekanismo na nagsisigurong patas ang pagtingin sa mga kababaihan. Ito ay tinatawag na gender mainstreaming tool na batayan upang masigurong mabibigyang halaga ang mga ambag ng kababaihan at iba pang kasarian sa pamamalakad ng ating Programa. Kabilang sa pagsasanay ng ating Programa ang pagbibigay trainings upang mas mapalakas, mapagtibay, at madagdadagan ang kaalaman ang isang indibidwal sa pagbuo ng isang matibay na pagkatao at pamayanan.

Ang empowerment capabilities na ito ang nagsisilbing mapa para marating ng isang indibidwal ang kaniyang potensyal bilang isang kasapi sa kaunlaran ng sarili at ng pamayanan. Isa ang PWA na nagtaguyod ng kasanayang ito. Ngayon, inaani na nila ang kanilang mga naitanim.


Kasama ang ating community volunteer sa nakiisa sa paghahanda ng community sub-project para sa turnover ceremony

Kung ang dating walang boses sa loob ng tahanan, ngayo’y mas alam na ang karapatan at alam na rin kung paano ito panghahawakan. Ang mga dating takot sa responsibilidad ay kaisa na ngayon tungo sa kaunlaran. Ang mga limitado sa tahanan ay nakalabas na mula sa kahon na pilit silang ikinukubli.

Kasabay ng pamamalakad ng community sub-project ng ating Programa ay ang paglago ng kaisipan ng buong Sitio Pugo. Sa pagbuo nila ng farm-to-market road, nabuo rin ang patas na pagtingin nila sa kababaihan. Sa katunayan, nakakuha ang Pugo Women’s Association ng parangal mula sa DSWD Pagkilala sa Natatanging Kontribusyon sa Bayan (PaNaTa) Ko Awards 2021 dahil sa katangi-tangi nilang pagpapakita ng maayos na pamamalakad ng community sub-project at pagpapakita ng pagkapantay-pantay sa lipunan.




Ayon sa isang ulat mula sa Time magazine, mayroon pang mahigit isang siglo upang tuluyang maisara ang kakulangan sa pagkakapantay-pantay ng kasarian. Pero habang mayroon pa tayong kailangang lakbayin upang marating ito, isang patunay ang hakbang ng PWA para maipagpatuloy ang panawagan sa pagkakaroon ng pantay na pagtingin sa kababaihan.

REPUBLIC OF THE PHILIPPINES

All content is in the public domain unless otherwise stated

ABOUT GOV.PH

Learn more about the Philippine Government, its structure, how government works, and the people behind it


GOV.PH
Open Data Portal
Official Gazette